Tuguegarao City, Cagayan – Pinulong ng lokal na pamahalaan ng Tuguegarao City kasama ang kapulisan ng lungsod ang mga namamahala ng mga ibat ibang bangko sa Tuguegarao.
Ito ang ipinahayag ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa nangyaring pulong balitaan para sa Afi Festival kahapon, Agostro 3, 2018.
Sa naturang pulong, sinabi ng alkalde na kanilang ipinaliwanang katuwang niya si PNP Tuguegarao Chief PSupt George Cablarda na mayroong ginagawang hakbang ang kanilang pamunuan upang maprotektahan ang mga bangko at negosyante sa lungsod.
Kinuha din iyon na pagkakataon para pag-usapan ang mga dati nang nakalatag na pustorang pangseguridad ng mga bangko at kung ano pa ang mga dapat gawin para mapabuti ito.
Magugunita na noong araw ng Martes, Hulyo 31, 2018 ay pinagnakawan ang Metrobank Tuguegarao ng limang armadong kalalakihan ng halagang 21.4 milyong piso.
Nauna rito ay may nangyari ding pagnanakaw sa East West Bank Tuguegarao noong Mayo 16, 2018 na kung saan ay nawalan ng milyon-milyong halaga ng mga alahas ang nasabing bangko.
Sa nangyaring pangalawang bank robbery sa Tuguegarao ay nagpanggap ang limang armadong kalalakihan bilang mga pulis na magsasagawa umano ng inspeksiyon sa dis-oras ng gabi.
Pinayagan umano sila ng dalawang guwardiya na pumasok sa bangko at dumeretso sila sa pinagbibilangan ng maraming pera at agad na ideneklara ang hold-up.
Agad na umalis ang mga magnanakaw bitbit ang apat na sakong pera gamit ang isang puting Toyota Grandia van na siya ring sinakyan papunta sa bangko.
Sa naging ugnayan sa lokal na media, Ipinaliwanag ni Mayor Jefferson Soriano na ang kanilang command center na siyang nakatutok sa mga pangunahing lansangan ng lunsod sa pamamagitan ng mga high resolution CCTV camera ay hindi pa gumagana ng 24 oras noong nangyari ang bank robbery dahil nakatakdang sa Agosto 1, 2018 pa ito magsisimulang mamanduhan ng buong araw at magdamag.
Bagamat hindi pa 24 oras ang command center ng Tuguegarao City LGU noong nangyari ang bank robbery ay marami namang CCTV footages ang nakuha ng PNP malapit sa Metrobank Tuguegarao na siya ngayong inaaral ng kapulisan.
Nakita din umano sa isang CCTV footage na apat na minuto lamang ang pagsasagawa ng panghoholdap at agad na nakatalilis ang mga holdaper gamit ang kanilang van papuntang Timog direksiyon ng lungsod.
Binigyang diin ng alkalde na kanilang tinutugunan ang usaping pangseguridad ng lungsod at nais lang nilang ihayag sa mga negosyante at taumbayan na mayroon silang ginagawang kaukulang hakbang. Kanya ding sinabi na ang mga tinalakay sa pulong kasama ang mga namamahala sa bangko ay para matiyak na hindi maulit ang nangyaring bank robbery.
Samantala, naisampa na kahapon, Agosto 3, 2018 ng PNP Tuguegarao ang kasong robbery laban sa dalawang naka duty na guwardiya noong nangyari ang pagnanakaw na sina Angelo Liban at Ace Mark Gunnacao.