
Iginiit ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes sa pamahalaan ang pagde-deploy ng mobile water treatment and community-scale desalination systems sa mga lugar o barangay na apektado ng Super El Niño lalo na sa mga nakakaranas ng kakapusan sa malinis na inuming tubig.
Pangunahing pinapakilos ni Ordanes para magsagawa nito ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH), Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan.
Paliwanag ni Ordanes, hindi lahat ng solusyon sa kakulangan ng tubig ay nangangailangan ng malalaking planta na maaaring umabot sa bilyun-bilyong piso ang puhunan.
Diin ni Ordanes, may mas maliliit at commercially available na sistema na maaaring dalhin mismo sa mga komunidad para sa magkaroon sila ng malinis na tubig sa gitna ng matinding tagtuyot.
Ipinunto ni Ordanes na may mga teknolohiya nang maaaring gamitin ka sinisimulan ng gawin ng ibang mga local government units.
Panawagan ni Ordanes, palawakin ang mga ganitong solusyon upang mas maraming komunidad ang magkaroon ng ligtas na inuming tubig sa panahon ng matinding tagtuyot.










