Cauayan City, Isabela- Tinatayang nasa 40 porsyento lang ng mga barangay sa Lalawigan ng Quirino ang may kakayahan na magkaroon ng internet connection habang papalapit ang pagbubukas ng klase ngayong Agosto.
Ito ay base sa ginawang survey ng Department of Education sa probinsya.
Ayon kay Governor Dakila Carlo ‘Dax’ Cua, higit na kailangan ngayon ang pagkakaroon ng wifi o internet connection lalo na sa edukasyon, negosyo,trabaho, health at communication.
Kasabay ito ng inilunsad na ‘Online Action Center’ sa lalawigan upang mapadali ang pagbibigay ng impormasyon at malaman ang hinaing ng bawat Quirinian.
Ipinagmalaki din ng gobernador na ang LGU Quirino ang mayroong kauna-unahang online action center at napapaloob dito ang ilang mahahalagang bagay sa usapin ng digitalization.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang lalawigan sa Department of Information and Communication Technology para magkaroon ang lahat ng paaralan at barangay ng internet connection.
Sa huli, nagpasalamat ito sa mga Quirinian dahil hanggang ngayon ay napapanatili pa rin ang zero case ng coronavirus sa Lalawigan.