Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang pagkakasa ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga barkong ginagamit ng mga sindikato ng iligal na droga para makapagpuslit ng mga kontrabando sa bansa.
Ang mandato ng bagong PNP chief ay kasabay ng kanyang pagpapatuloy ng giyera kontra ilegal na droga.
Ayon kay Azurin, mahalagang matukoy ang mga ginagamit na sasakyan ng mga sindikato lalo pa’t kadalasang ipinupuslit ang mga kontrabando sa karagatan.
Aminado si Azurin na may kahinaan ang mga otoridad pagdating sa border control kaya’t ito ang nais niyang tutukan o palakasin upang tuluyang maputol ang suplay ng droga.
Sinabi rin nito na paiigtingin ng PNP ang ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabawasan kung di man tuluyang masawata ang iligal na droga sa bansa.