Mga Batang Anak at Kamag-anak ng mga PDL sa BJMP Cauayan City Isabela, Nabigyan ng Outreach Program Kaugnay sa Selebrasyon ng Children’s Month!

Cauayan City, Isabela – Nasa 150 na mga batang anak at kamag-anak ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng BJMP Cauayan City, Isabela ang nakiisa sa Outreach Program ngayong araw (November 25, 2018) kaugnay sa selebrasyon ng Children’s Month ngayong buwan ng Nobyembre at National Consciousness Day.

Ito ay pinangunahan ng SK Barangay Labinab Cauayan City, ang Non Government Organization na Southern Philippines Muslim and Non-Muslim Unity and Development Association o SPMUDA International at sa pakikipagtulungan naman ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa ( RAM) at RAM Guardians Incorporated (Alakdan Kawayan Chapter).

Ang naturang aktibidad ay may temang “Universal Children’s Day” kung saan ay nagkaroon ng magic show, parlor games, gift giving at feeding program sa lahat ng PDL maging sa kanilang mga pamilya na dumalaw ngayong araw.


Ayon kay Chief Inspector Romeo L. Villante Jr., ang Cauayan City District Jail Warden BJMP na naging mahalaga o malaking bagay umano ang naturang programa para sa mga bata na anak o kamag-anak ng kaniyang mga PDL upang mabisita at nabigyan ng kaunting kasiyahan.

Pahayag naman ni Joybelle C. Portabes, ang SPMUDA Ambassadress for Children na napili nila ngayong taon ang BJMP Cauayan City upang pasayahin ang mga batang anak ng PDL kung saan ay kahalintulad din umano ng nasabing programa ang kanilang isinagawa noong nakaraang taon sa BJMP Santiago City.

Aniya, bawat buwan ng Nobyembre kada taon ay umiikot ang SPMUDA International sa lahat ng BJMP dito sa lalawigan ng Isabela upang maghatid ng kaparehong aktibidad.

Samantala, iginiit naman ni Hon. Jayson C. Purificacion, SK Chairperson ng Barangay Labinab Cauayan City, Isabela na ang outreach program ay isang maagang pamasko at isang paraan para mapaglapit ang pamilya lalo na ang mga batang anak ng mga PDL sa BJMP Cauayan City.


Facebook Comments