*Cauayan City, Isabela- *Nagsimula nang magturok ng bakuna ang tanggapan ng City Health Office sa mga Grade 1 hanggang Grade 7 students sa Lungsod ng Cauayan.
Sa naging panayam 98.5 iFM Cauayan kay Nurse Janeth Cadauan, ito ay hakbang ng kagawaran ng Kalusugan na makaiwas ang mga bata sa mga sakit o pagkapit ng virus at bacteria sa kanilang katawan.
Aniya, kinakailangang magamot agad ang mga ganitong uri ng sakit gaya ng tigdas dahil sa madaling pagkapit ng mga bacteria sa mga bata.
Inihalimbawa nito ang isang silid aralan na kung may naitalang kaso ng tigdas ay posibleng makahawa ito sa iba pang mga bata.
Paalala naman ni Nurse Cadauan sa mga magulang na ugaliing ituro sa mga anak ang simple at tamang paghuhugas ng kamay.
Samantala, bahagya namang tumaas ang kaso ng dengue sa Lungsod ng Cauaayn na pumalo sa 233 na kaso na ikinasawi ng isang bata.
Bagamat may mga ilang magulang aniya ang takot pa rin na ipabakuna ang kanilang anak dahil na rin sa isyu ng DENGVAXIA ay puspusan pa rin ang pagpapaliwanag ng City Health Office sa mga magulang na walang dapat i pangamba dahil wala naman aniyang ibinababang gamot ang DOH sa lungsod patungkol sa DENGVAXIA.
Gayunman, patuloy pa rin ang paghikayat at pagpapaliwanag ng CHO sa mga magulang sa importansya ng pagpapabakuna sa mga anak upang makaiwas sa posibleng pagdapo ng mga sakit.