Mga binatang nantrip sa balloon vendor, kinasuhan na

Courtesy Manila Public Information Office

Sinampahan ng kaso ang 2 sa 7 kabataang sangkot sa panununog ng mga panindang lobo ng isang tindero sa Pandacan, Maynila kamakailan.

Ayon sa Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMART), kumpirmadong nasa wastong gulang na ang dalawang suspek, dahilan para makasuhan sila ng arson resulting to serious physical injuries at alarm and scandal.

Nahaharap din sila sa reklamong child abuse bunsod ng pag-utos sa limang kaibigang menor de edad na sunugin ang inilalako ni Oliver Rosales.

Kasabay nito, ipiniresenta ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga mamamahayag ang mga binatang pasaway kasama ang kani-kanilang magulang nitong Lunes ng hapon.

Pahayag ng alkalde, mga out-of-school youth at miyembro ng isang notorious na gang ang magkakaibigan.

Aniya, nagawa ng mga nasasakdal ang kalunos-lunos na insidente bilang parte ng initiation sa sinalihang gang.

“Talagang nakapangigigil ‘yung kagaguhan nitong mga ‘to. Pero hangga’t maaari, nananawagan ako sa inyo, huwag niyong pagbuhatan ng kamay, pagkat hindi maitatama ng isang mali ang isa pang pagkakamali.”

Huwag nating ilalagay sa ating kamay ang hustisyang ninanais natin. May pamamaraan dyan, at legal,” ani Moreno.

(PANOORIN: Panindang lobo, sinunog ng mga kabataan dahil ‘trip lang daw’)

Magugunitang nagkaharap sa barangay ang dalawang kampo at nagkasundo daw na magbabayad na lamang ng P35,000 para pampagamot ni Rosales.

Kasalukuyang nagpapagaling Mandaluyong City Medical Center ang biktimang nagtamo ng second-degree burn.

Facebook Comments