Siniguro ng Commission on Elections (Comelec) na makakaboto pa rin sa 2022 elections ang mga botanteng tinamaan ng COVID-19.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa panukalang 2022 budget ng Comelec, tiniyak ni Comelec Chairman Sheriff Abas, maaaring makaboto ang isang COVID-19 positive na botante dahil may ilalatag na paraan dito ang komisyon.
Ayon kay Abas, maglalagay ang Comelec ng isolation centers sa mga polling precincts o isolated polling places (IPPs) upang maihiwalay ang mga positibo sa COVID-19 at doon sila makaboto.
Samantala, hindi naman papayagan ng Comelec ang mga guro na magsilbi sa araw ng halalan kung ang mga ito ay magpopositibo sa COVID-19.
Sinabi ni Abas na hahanap sila ng substitute members ng electoral boards kapalit ng isang guro na magkakasakit o magkakaroon ng close contact sa isang positive patient.
Umapela naman si Appropriations Vice Chair Manix Dalipe sa Comelec, na bumuo ng plano para sa pagdaraos ng eleksyon sa mga lugar sa bansa na maaaring magkaroon ng mataas na transmission o kaya’y mga kaso ng COVID-19 sa panahon ng botohan.