
Iminungkahi ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Representative Er
win Tulfo na suspendihin ang business permit ng botika o tindahan na hindi sumusunod sa utos ng Department of Health (DOH) na hindi na kailangan ng booklet para mabigyan ng diskwento ang mga senior citizens na bumibili ng gamot.
Suhestyon ito ni Tulfo kasunod ng natanggap nyang mga sumbong na marami pa ring establisyamento ang humihingi ng discount booklet mula sa mga senior citizen habang ang ibang tindera ay tinatarayan pa umano sila.
Ipinunto ni Tulfo na kaya nga inalis ng DOH ang medicine purchase booklet simula noong December 2024 ay dahil madalas itong nakakalimutan ng mga seniors na dalahin.
Kaugnay nito ay pinayuhan naman ng isang pang kinatawan ng ACT-CIS Party-list na Congressman Edvic Yap ang mga senior citizen na isumbong sa local government unit partikular sa office of the senior citizens affairs ang mga botika o tindahan na magdedemand sa kanila ng medicine booklet.
Giit ni Congressman Yap, dapat patawan ng sanction o multa ang mga hindi sumusunod sa utos ng DOH.