Cauayan City, Isabela- Nakikiusap si Ilagan City Mayor Josemarie Diaz sa lahat ngmga barangay Officials na seryosohin ang pagpapatupad sa health protocols lalo na ngayong patuloy ang paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod.
Sa pahayag ng alkalde kasabay ng inagurasyon sa pagbubukas ng Community Isolation ng Lungsod, inaatasan nito ang mga Kapitan na striktuhan ang implimentasyon sa guidelines ng GCQ upang mapigilan ang patuloy na pagdami ng positibong kaso sa Lungsod.
Base kasi aniya sa kanyang obserbasyon sa kanilang ginawang pag-iikot sa Lungsod habang ginugunita ang Semana Santa, marami pa rin aniya sa mga residente ang matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa protocols.
Kanyang sinabi sa mga brgy Officials na huwag matakot dakpin ang mga taong pasaway upang maipakita na seryoso ang lokal na pamahalaan sa paglaban kontra COVID-19.
Mensahe pa nito sa mga brgy Kapitan na kalimutan muna ang pulitika ngayong panahon ng pandemya.
Hiniling din ni Mayor Diaz sa kanyang mga kababayan na huwag sanang ipagsawalang bahala ang sakit na COVID-19 dahil marami na ang tinamaan at binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Binalaan din ng alkalde ang mga taong susuway sa mga ipinatutupad na guidelines na hindi na mag-aatubili ang mga pulis at opisyal ng barangay na sila ay hulihin.
“Kung hindi ka nakakatulong sa solusyon ng ating problema, huwag ka ng magpadagdag pa sa problema” dagdag pa ng alkalde.