Mga Chinese nationals na may kaugnayan sa mga POGO, hiniling ng isang senador na huwag bigyan ng Filipino citizenship

Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa mga kasamahan sa Mataas na Kapulungan na huwag bigyan ng Filipino citizenship ang mga Chinese nationals na may kaugnayan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Sa gitna ito ng panukalang pagbibigay ng Filipino citizenship sa Chinese national na si Li Duan Wang o mas kilala na Mark Ong na sinasabing may kaugnayan sa mga sangkot sa POGO.

Sa interpelasyon ng senadora ay ipinakita niya ang ilang larawan ni Wang na katabi si Duanren Wu, ang itinuturong utak sa POGO sa Porac, Pampanga at pugante sa China.


Hiniling ni Hontiveros sa mga senador na suriing mabuti ang background ni Wang dahil nagwawagayway ang mga red flag sa pagkatao nito.

Ilan sa mga kinwestyon at tinukoy ni Hontiveros na kaduda-duda kay Wang ay hindi nakadeklara sa application nito sa naturalization na siya ay operator ng 9 Dynasty Junket Group na may mga kahating officers din sa illegal POGO scam hub na Rivendell sa Pasay dagdag pa rito ang pagdedeklara na siya ay Pilipino sa Articles of Incorporation and By-Laws ng kompanyang Avia International Club na may kaugnayan sa Yatai Spa na konektado sa self-confessed Chinese spy na si She Zhijiang.

Facebook Comments