CAAP, tiniyak na walang airport na napinsala ng magkahiwalay na lindol kanina sa Visayas at Mindanao

Tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na walang airport na napinsala sa magkahiwalay na lindol kanina sa Southern Leyte at Siocon, Zamboanga del Norte.

Ayon sa CAAP, walang naitalang malaking pinsala sa Zamboanga International Airport matapos ang lindol.

Agad din aniyang sinuspinde ang landing at takeoff operations sa nasabing paliparan matapos ang lindol.


Maging ang mga pasahero at empleyado ng paliparan ay agad na inilikas para suriin ang gusali at mga pasilidad.

Kinumpirma rin ng CAAP na walang naging structural damage sa critical airport facilities, bagama’t may visible cracks na nakita sa dingding at kisame ng Passenger Terminal Building ng Zambonga International Airport.

Sa ngayon, isinailalim na anila ito sa repair para matiyak na ligtas gamitin ang gusali.

Habang wala rin anilang pinsala sa Pagadian Airport, Dipolog Airport, at Ipil Airport.

Kinumpirma rin ng CAAP na walang pinsalang naitala sa mga paliparan sa Southern Leyte matapos ang hiwalay na 5.4 magnitude na lindol kaninang umaga.

Facebook Comments