Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, “in order” o umaayon sa batas ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Justice na hingan ng tulong ang mga Constitutional Commission para sa panel na mag-iimbestiga sa mga katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Pero diin ni Drilon, hindi maaaring maging miyembro ng DOJ panel o task force ang mga Constitutional Commission dahil base sa Konstitusyon ay independent ang mga ito.
Ang tatlong Constitutional Commission ay kinabibilangan ng Commission on Audit, Commisison on Elections at Civil Service Commisison.
Paliwanag ni Drilon, malinaw sa Konstitusyon na ang kapangyarihan ng nabanggit na mga Commission ay hindi maaaring limitahan sa pagiging miyembro lamang ng panel.
Kung tutuusin ayon kay Drilon, ang COA at Civil Service Commission ay pwedeng magsagawa ng sariling imbestigasyon o audit sa PhilHealth.