Mga COVID-19 Positive na Naka Home-Quarantine, Problema ngayon ni Gov. Mamba

Cauayan City, Isabela- Namomroblema ngayon ang Ama ng Lalawigan ng Cagayan sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19 na naka-home quarantine lalo na sa Lungsod ng Tuguegarao.

Umaabot na kasi sa mahigit 600 ang bilang ng mga naka-home quarantine sa probinsya na kung saan sinabi ni Governor Manuel Mamba na napakadelikado at mahirap ang home-quarantine o self-isolation dahil hindi aniya nababantayan ang kanilang kalagayan.

Sinabi rin ng Gobernador na bawal at hindi dapat naka-home quarantine ang mga dinapuan ng COVID-19.


Kaugnay nito, nakatakdang pupulungin ng Gobernador ang mga Municipal Health Officers, ABC President at mga Mayors upang pag-usapan ang naturang problema at gagawing solusyon sa lumalaganap na kaso ng COVID-19 at naitatalang mortality sa probinsya.

Una nang nagpamahagi ang Kapitolyo sa ilalim ng programang ‘No Barangay Left Behind o NBLB’ ng halagang Php100,000.00 sa kada barangay sa probinsya na kanilang gagamitin para sa quarantine facility at tulong para sa mga tinamaan ng COVID-19.

Facebook Comments