Plano ng Philippine Navy na i-convert bilang littoral monitoring stations ang mga dating gas platform sa West Philippine Sea.
Ito ang sinabi ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo makaraang inspeksyunin nitong Sabado ang Nido at Matinloc gas platform na matatagpuan sa Malampaya Northwest ng Palawan.
Ang dalawang gas platforms ay ginamit ng Department of Energy nang mahigit 40 taon.
Balak ng Department of Defense na kunin ang dalawang platforms para mailipat sa pangangasiwa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa “strategic location” nito malapit sa Recto Bank, Malampaya at Galoc Gas Fields.
Sinabi ni Bacordo, kapag na-convert ang dalawang platforms bilang littoral monitoring stations, tataas ang kapabilidad ng Philippine Navy na pangalagaan ang “maritime interests” ng bansa sa lugar na pinagkukunan ng Pilipinas ng natural gas.