Mga dating opisyal ng DOH, DOF at IATF, itinanggi ang akusasyon ng COA na hindi sila pumayag na isailalim sa special audit ang mga biniling COVID-19 vaccines

Pinabulaanan ng mga dating opisyal na nanguna noon sa pagbili ng COVID-19 vaccines ang naunang pahayag ng Commission on Audit (COA) na tumanggi ang Department of Health (DOH) na isailalim sa special audit ang mga biniling bakuna dahil sa Non-Disclosure Agreement (NDAs) sa mga vaccine supplier.

Sa unang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagtanggi ng DOH na ibigay ang detalye ng kontrata sa pagbili ng bakuna, humarap sa imbestigasyon sina dating Health Secretary Francisco Duque III, dating Finance Secretary Carlos Dominguez III at National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr.

Ang mga ito ang nanguna noon sa procurement ng COVID-19 vaccines ng national government.


Pare-parehong itinanggi nina Duque, Dominguez at Galvez ang akusasyon ng COA na hindi sila pumayag partikular ang DOH na ibigay ang detalye ng kasunduan sa pagbili ng mga bakuna dahil sa NDA.

Giit dito ni Duque, katunayan ay nagpadala siya noon ng liham sa dating COA Chair na si Michael Aguinaldo upang hilingin ang special audit ng ahensya para sa mga vaccine-related procurement sa pagitan ng World Bank (WB), Asian Development Bank (ADB), at Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB).

Partikular aniyang hiniling noon ng DOH sa COA ang pagsasagawa ng end-to-end audit, performance audit ng kabuuang national deployment and vaccination plan, timeline kung kailan nais matapos ang audit at reporting ng audit.

Binigyang-diin pa ni Duque na ang lahat ng ito ay salig sa loan agreements at sa iba pang kasunduan na pinasok ng pamahalaan sa pagitan ng mga multi-lateral partner para sa pagbili ng bakuna.

Sinuportahan ni DOH OIC Usec. Maria Rosario Vergeire ang pahayag ni Duque at kanyang iginiit na walang isyu ang ahensya kung isailalim ang vaccine procurement sa auditing ng COA.

Tahasan ding itinanggi nina Galvez at Dominguez na noong nagkaroon ng pagdinig ang Kongreso ay wala naman silang sinabing hindi pwedeng i-audit ng COA ang vaccine procurement sa ilalim ng NDA kundi tumanggi lamang sila noon na isapubliko ang detalye ng kasunduan bunsod na rin ng confidentiality commitment.

Facebook Comments