Ipina-subpoena na para paharapin sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga dating namuno sa Land Transportation Office (LTO) at iba pang mga may kaugnayan sa kinukwestyong information technology (IT) project ng ahensya.
Sa ginanap na pagdinig ng Blue Ribbon Committee, iginiit ng mga senador na hindi sila makakalap ng sapat na impormasyon dahil hindi dumalo ang ilang dating LTO chief at iba pang resource persons, kasama na ang kontraktor ng LTO para sa IT deal na Dermalog.
Una nang napag-alaman na nasa Germany ngayon ang mga opisyal ng kinuhang kontraktor ng LTO at nagpadala lang sila ng kanilang legal counsel sa naging pagdinig sa Senado.
Binalaan ni Blue Ribbon Committee Chairman Senador Francis Tolentino ang legal counsel ng Dermalog na maaari siyang ipa-cite in contempt ng komite kung hindi pa rin makakadalo ang kanyang mga kliyente sa susunod na pagdinig ng Senate panel.
Nag-ugat ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon sa 2021 report ng Commission on Audit (COA) na sumita sa ‘undue payment’ o advance na pagbabayad na ginawa ng LTO sa kinuhang kontraktor kahit hindi pa kumpleto ang turnover ng mga ito ng higit ₱3 billion na road IT infrastructure project.