Labis na ikinalungkot ni dating Senate President Manny Villar ang pagpanaw ni dating President Benigno Aquino III na mahigpit niyang naging katunggali noon sa larangan ng pulitika.
Pero sa kabila nito ay sinabi ni Villar na kagalang-galang na leader si PNoy at kahanga-hanga ang tapang nito at pananaw para sa mamayan.
Sabi ni Villar, mayroon man silang differences ay nagtulungan naman sila para sa bayan at mga Pilipino at lalo niya itong hinangaan nang bumisita sa burol ng kanyang namayapang ina noong 2015.
Nadurog din ang puso ni dating Senator Bam Aquino sa paglisan ng kanyang pinsan na ang lahat ay ibinigay para sa Pilipino.
Diin ni dating Senator Bam, sa pagsusulong ng “tuwid na daan,” ay binigyan tayo ni PNoy ng pagkakataon na mangarap, magpursigi, at magtagumpay bilang patunay na walang malaki at mahirap na laban kung sa kadulu-duluhan ay isasaalang-alang ang kapakanan ng taumbayan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si dating Senator Antonio Trillanes IV kay PNoy na aniya’y nagbigay muli sa atin ng kalayaan.
Nakikiisa din si dating Senator Ferdinand Bong Bong Marcos Jr., sa pagluluksa ng bansa at sa iniwang pamilya ng dating Pangulong Aquino.