Walang nakikitang paglabag sa batas si Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung isasama ang mga foreign students sa sakop ng mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) Program.
Ayon kay dela Rosa, ang general rule ng mandatory ROTC ay walang exemption kaya tulad sa mga dayuhang estudyante hindi man sila maoobliga na mahalin at mamatay para sa bansa ay hindi naman sila lusot sa ROTC program.
Nakasaad sa panukala na tulad sa mga mag-aaral na may kapansanan, mga paniniwalang relihiyon na ipinagbabawal ang paggamit o paghawak ng armas at mga nahatulan sa kasong may kinalaman sa moral turpitude, ang mga foreign student na naka-enroll sa bachelor degree courses o technical vocational courses ay sasailalim sa “specialized program” sa ilalim pa rin ng ROTC.
Sa “specialized program” ng ROTC, may mga module na pag-aaralan ang mga dayuhang estudyante maliban sa pisikal na military training.
Inaasahang mapapalalim ng pag-aaral na ito ang pang-unawa at pagtanggap ng mga dayuhang mag-aaral sa Pilipinas, sa mga Pilipino, sa lipunan, sa kultura at gobyerno at magamit ang kanilang potensyal para maging tulay sa pagpapahusay sa kanilang mga bansa katuwang ang Pilipinas.
Sa kabilang banda, kahit makumpleto ng isang foreign student ang kurso at specialized program ng ROTC, hindi naman ito papayagan na maging bahagi ng AFP reserve force.