Nagpa-alala ang Bureau of Immigration (BI), na hindi pa rin pinahihintulutan ng gobyerno ng Pilipinas ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang turista.
Ang pinahihintulutan lamang na pumasok sa bansa ay mga Pilipino, kanilang mga asawa, mga menor de edad na anak na may tourist visa, mga dayuhang bata na may espesyal na pangangailangan sa Pilipinas, mga dayuhang magulang ng menor de edad na Pinoy at mga dayuhang magulang ng mga Pilipinong bata na may espesyal na pangangailangan na pumasok sa Pilipinas.
Pinapayagan din na makapasok ng Pilipinas ang mga accredited foreign government at international organization officials at ang kanilang mga dependents, mga dayuhang airline crew members, mga dayuhang seafarer na may visa at mga dayuhan na may long-term visa.
Ayon sa Bureau of Immigration, pinapayagan din ang pagbiyahe ng mga Pilipino sa abroad kapag may kinalaman sa negosyo, medical emergency at humanitarian reasons basta sila ay may pinanghahawakan na supporting documents.
Hindi naman pinapayagan ang pagtungo sa abroad ng mga Pinoy na magbabakasyon lamang sa kanilang mga kamag-anak.