Mga Demands ng Surigao Dockworkers hindi pa naibigay ng Prudential Customs Brokerage Services Inc

Mga Demands ng Surigao Dockworkers hindi pa naibigay ng Prudential Customs Brokerage Services Inc. Hanggang sa mga oras na ito hindi pa naibigay ng management ng Prudential Customs Brokerage Services Inc. ang mga demands ng nagwelgang mga miyembro ng Surigao Dockworkers Union. Ayon kay Artiquio Alciso, ang Presidente ng union umaabot na sa 25 araw ang kanilang welga sa labas ng Phil Ports Authority ngunit wala pa ring nagbabago, hindi naibigay ng management ang kanilang hinihinging P100 na dagdag sahod. Diumano’y ang counter offer noon ng PCBSI ang P1 lamang at pinakabago ang offer na P5 ngunit hindi pa rin nila ito matanggap. Dagdag pa nito, hindi rin tinupad ng PCBSI ang pangako noong nakaraang linggo nang ini-release nila ang mga cargoes sa loob ng PPA na babayaran sila sa 3 araw na natirang suweldo bago pa magsimula ang kanilang welga. Naunang inihayag rin ng mga opisyal ng Surigao Chamber of Commerce and Industry sa pamamagitan ng Presidenteng si Concepcion Pacqueo at Board of Director Manuel Kong na kasama sa kanilang negosasyon na i-release ang mga natengga na cargoes sa kundisyon ng mga dockworkers na babayaran ang 3 araw na natirang suweldo mula sa PCBSI. Diumano’y ang manager ng PCBSI na si Edgardo Tidalgo ang nangako nito sa harap ng PPA Port Manager Mildred Padilla. Kung hindi pa rin susunod sa kundisyon ang PCBSI, posibleng gagawa sila ng resolusyon na ideklara ang kompanya bilang Persona Non-Grata. Ang kontrata ng PCBSI bilang arrastre operator sa loob ng PPA Surigao ang nakatakdang matatapos sa Oktubre 6 ngayong taon.

Facebook Comments