Mga Empleyado ng SM City Cauayan, Sumailalim sa Pagsasanay ng BFP!

*Cauayan City, Isabela- *Nagtapos na ang may kabuuang 15 na empleyado ng SM City Cauayan sa isinagawang pagsasanay ng Bureau of Fire Protection-Cauayan City bilang bahagi ng National Disaster Resilience Month.

Kasabay ito ng pagbuo ng SM City Cauayan Fire Brigade na sumailalim sa 40 oras sa Fire Brigade Training Course na binubuo ng ilang Mall Administrations, Security Guards at Janitorial Personnel.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FO1 Francis Decena, tagapagsalita ng BFP Cauayan, aniya sumailalim ang mga nasabing empleyado bilang bahagi ng pinirmahang kasunduan ng SM Supermalls at BFP na layong laging maging handa sa anumang hindi inaasahang sakuna gaya ng sunog.


Bilang bahagi ng nasabing aktibidad, itinuro ng mga BFP personnel kung paano gamitin ang ilang kagamitan sa pag-apula ng sunog at kung paano magbigay ng medical concern sakaling may masugatan sa sunog.

Nagpaalala naman si FO1 Decena sa publiko na ugaliing maging alerto at handa sa anumang hindi inaasahang sakuna.

Samantala, ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng tagapagsalita ng BFP na si Superintendent Joanne Vallejo na nagsilbi bilang panauhing pandangal.

Facebook Comments