Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay G. Chester Trinidad, DOLE Information Officer, may karampatang parusa sa ilalim ng Labor Code ang hindi pagsunod sa itinakdang minimum wage ng ahensya.
Ayon kay Trinidad, kailangan na makipag-ugnayan ang sinumang nakakaranas ng hindi pagtanggap ng minimum wage sa alinmang DOLE Field Offices na pinakamalapit sa inyong lugar upang agad itong maaksyunan.
Binigyang diin nito na mandato ng ahensya ay para tulungan ang mga manggagawang Pilipino.
Batay sa inilabas na abiso ng DOLE Region 2, magpapatupad ng P50 na dagdag sahod mula sa kasalukuyang rate na P370 para sa mga manggagawa sa non-agriculture sector, P75 na dagdag para sa retail at service establishments na pagpapatrabaho ng hindi hihigit sa 10 manggagawa mula sa dating P345 na rate habang ang mga manggagawa sa sektor ng agrikultura ay magkakaroon ng dagdag na P55 mula sa dating rate na P345.
Ipatutupad ang nasabing taas-sahod na mahahati sa dalawang tranche sa bisa ng wage order, 15 araw pagkatapos isapubliko ang wage order.