MGA ESTUDYANTE NA HINDI PA KASALI SA LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES, PINAYUHAN NG ISANG KONSEHAL

Cauayan City, Isabela- Kasabay ng pagsasagawa ng limited face-to-face classes ng ilang paaralan dito sa Lungsod ng Cauayan ay nagbigay ng payo sa mga magulang at estudyante ang Committee Chair on Education na si Councilor Gary Galutera.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Gary Galutera, bagamat dumami sa dalawampung paaralan ang pinayagang magsagawa ng limited face-to-face classes sa Lungsod ay nasa 50 porsyento pa rin sa mga mag-aaral ang pinapayagang pumasok o dumalo ng personal sa klase.

Pero bago naman aniya mapayagang makapasok sa paaralan ang isang mag-aaral ay kailangan na nakakuha ito ng waiver na pirmado ng magulang at nakapag-signify na handa nang lumahok sa limited face to face classes.

Isa kasi aniya ito sa mga ibinibigay na requirements para sa mga estudyanteng nais lumahok ng limited face to face classes maliban sa bakunado kontra COVID-19.

Pinasalamatan naman ng opisyal ang mga guro sa ibinibigay na sakripisyo sa pagtuturo ganun na rin sa mga magulang na nagsilbi ring guro ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.

Batid din ni Galutera na lahat ng mga magulang at mag-aaral ngayon ay nais nang maibalik sa normal na set-up ng pag-aaral dahil malayo aniyang mas maganda at epektibo ang personal na pag-aaral ng mga estudyante.

Kaugnay nito ay nakikiusap din si Councilor Galutera sa lahat ng mga magulang na intindihin ang sitwasyon at tulungan ang programa na limited face to face dahil kaunting tiyaga na lamang ay maibabalik rin sa dati o normal ang pag-aaral ng mga estudyante.

Facebook Comments