Mga expired at hindi nagamit na COVID-19 vaccines, pinapaimbestigahan ng isang senador

Ipinasisilip ngayon ni Senator Risa Hontiveros ang isyu kaugnay sa mga hindi nagamit at expired na COVID-19 vaccines.

Sa Senate Resolution 92 na inihain ni Hontiveros, inaatasan ng senadora ang angkop na komite na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga biniling COVID-19 vaccines ng pamahalaan na hindi nagamit at na-expire lang.

Giit ni Hontiveros, ang ganitong malawakang pagsasayang ng bakuna ay hindi dapat kinukunsinti.


Batay aniya sa mga ulat, sa pagitan ng Abril hanggang Hulyo ay tinatayang may 4 na milyon hanggang 27 milyong hindi nagamit at expired na doses ng COVID-19 vaccines ang itatapon na lamang at katumbas ito ng P5 billion hanggang P13 billion na nasayang na pondo.

Aalamin sa pagsisiyasat kung saan nagkamali at nagkulang ang gobyerno lalo pa’t pinakapuno’t dulo ng isyu ay malaking pera at maraming suplay ng bakuna ang nasayang.

Umaasa ang senadora na mayroong mapapanagot sa ikakasang imbestigasyon na ito ng Senado.

Facebook Comments