
Isinumite na ng Philippine National Police (PNP) ang mga nakolekta nilang fake news, fake videos at mga memes kay Criminal Investigation and Detection Group Director (CIDG) PMGen. Nicolas Torre III para sa kaukulang aksyon.
Ayon sa PNP, nagkalat ngayon ang fake news sa social media matapos maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y crimes against humanity.
Sinabi ni PNP PIO Chief PCol. Randulf Tuaño, kabilang sa iniimbestigahan ng PNP ACG ngayon ay ang insidente ng isang ina na sumali sa grupo ng EJK victims kahit na nasawi ang kanyang anak sa panahon na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at hindi sa madugong drug war ni Duterte.
Pinag-aaralan na rin ng mga awtoridad ang posibleng kasong maaaring isampa laban dito at sa iba pang mga nagpapakalat ng fake news.
Samantala, naglabas na rin ng kautusan ang Pambansang Pulisya bilang paalala sa lahat ng ground commanders na huwag maglalabas ng anumang dokumento mula sa PNP upang masigurong hindi ito magagamit sa malisyosong usapin.
Kasabay ang babala na mahaharap sa kasong administratibo ang sinumang pulis na mapapatunayang lalabag dito.