Ginugunita ngayong araw sa San Juan City ang ika-124 na Araw ng Pinaglabanan, Agosto 30, 2020.
Sa simpleng seremonya sa Pinaglabanan Shrine, binigyan ng pagkilala ni Mayor Francis Zamora ang mga frontliner na nag-alay ng sakripisyo at paghihirap sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Partikular na binigyan ng parangal ang health workers at non-medical frontliners ng Local Government Unit (LGU) kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at lahat ng nagsugal ng kanilang buhay sa kanilang tungkulin sa gitna ng pandemya.
Paliwanag ni Zamora, ang aktibidad ngayong taon ay hindi lamang iniaalay sa mga Katipunero ng Pinaglabanan kundi pati na sa matatapang na frontliner na nagpakita ng kagitingan at dedikasyon katulad ng kabayanihan ng mga ninuno na nakipaglaban sa Espanyol, 124 na taon na ang nakakalipas.
Sa ginawang selebrasyon, kasama ni Mayor Zamora ang medical at non-medical modern-day heroes sa pag-iilaw ng cauldron ng dambana ng Pinaglabanan at pag aalay ng bulaklak.