Cauayan City, Isabela- Kinilala at pinasalamatan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang lahat ng mga magigiting na frontliners na patuloy na nagsasakripisyo at nagbibigay serbisyo sa gitna ng pandemya na dulot ng sakit na COVID-19.
Batay sa resolusyon na inisponsor ni Isabela Vice Governor Faustino ‘Bojie’ Dy III, marapat lamang na bigyang pugay ang mga medical frontliners, magsasaka, uniformed personnel, barangay workers at mga empleyado ng essential business services dahil pinili pa rin ng mga ito na maglingkod at gawin ang kanilang responsibilidad ngayong nasa krisis ang buong mundo.
Kitang-kita aniya ang patuloy na pagharap, pagsisikap at paglaban ng mga frontliners sa banta ng COVID-19 upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.
Nagpapakita rin aniya ito ng kanilang totoong katapangan at kabayanihan sa mga ganitong sitwasyon na layong matuldukan ang nararanasang krisis sa COVID-19.