Cauayan City, Isabela- Pinapayuhan ng Task Force COVID-19 sa Lungsod ng Cauayan ang lahat ng mga nanggaling sa ibang bansa na mag-self quarantine sa loob ng tahanan ng 14 araw.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Errol Maximo, tagapagsalita ng Task Force COVID-19, mayroong labing-apat (14) na Person Under Monitoring (PUM) sa Lungsod ang kanilang binabantayan ngayon matapos magbigay ang Bureau of Quarantine ng listahan ng mga nanggaling sa ibang bansa.
Ito ay upang maobserbahan kung mayroong sintomas ng COVID-19 ang mga ito na itinuturing na PUM.
Paalala sa mga ito na dapat huwag lumabas ng bahay o makisalamuha sa iba upang maiwasan ang pagkalat ng virus at dapat magsuot rin aniya ng facemask ang isang PUM upang hindi mahawaan ang mga kasama sa loob ng bahay.
Sakaling ayaw umano na mag house-quarantine ng isang indibidwal na galing sa ibang bansa lalo na sa mga apektado ng COVID-19 ay hihingi na ang task force ng tulong sa kapulisan.
Kaugnay nito, mahigpit rin ang paalala sa publiko na laging maghugas ng kamay, gumamit ng hand sanitizer at lumayo sa mga taong may sakit upang maprotektahan ang sarili sa naturang sakit.
Palakasin rin aniya ang immune system upang malabanan ang anumang sakit lalo na ngayong panahon ng tag-init.