Mga gumagamit ng “identity” ng mga pumanaw na, mahaharap sa mabigat na parusa

Mahaharap sa mabigat na parusa ang mga mapapatunayang gumagamit sa pagkakakilanlan ng mga pumanaw na.

Kaugnay na rin ito sa isinusulong ni Senator Jinggoy Estrada na panukalang “Online Death Verification System” o Senate Bill 1436 na pinaniniwalaang solusyon sa mga bogus claims, ghost voters at identity theft gamit ang pangalan ng mga yumao.

Sa oras na maging ganap na batas, ang mga mapapatunayang lumabag sa paggamit ng impormasyon ng mga pumanaw na ay pagmumultahin ng ₱500,000 hanggang ₱4-M at pagkakakulong ng 3 hanggang 6 na taon.


Sa ilalim ng panukala ay magtatatag ng Philippine Death Check (PDC) Register kung saan ito ang magsisilbing centralized electronic database na maglalaman ng mortality data.

Oras na mairehistro sa Local Civil Registrar (LCR) ang impormasyon ng pagkamatay ng isang indibidwal ay agad na i-a-upload ang nasabing datos sa PDC.

Ang Philippine Statistics Authority (PSA) ang mangangasiwa dito at titiyak sa seguridad at integridad ng PDC laban sa mga data breaches at iba pang pamemeke ng impormasyon.

Iginiit ni Estrada na panahon na para solusyunan ang problema sa patuloy na paggamit sa ‘identity’ ng mga yumao tulad sa mga bogus na payment claims, dayaan sa halalan at iba pang uri ng panloloko.

Facebook Comments