Cauayan City, Isabela- Nagpaalala ang pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela sa mga maghahabol na bibili ng pang handa para sa pagsalubong sa bagong taon.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Winston Singun, provincial Director ng DTI Isabela, kanyang sinabi na kahit huling araw na ng taong 2020 ay marami pa rin ang mga humahabol para makapamili ng pang-media noche para sa natatanging selebrasyon sa bagong taon.
Paalala nito sa mga mamimili na maging wais at matalino sa pagbili ngayong bagong taon maging sa mga susunod na araw at ibayong pag-iingat din dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Aniya, bago bilhin ang isang produkto ay suriin muna ito ng mabuti kung may akmang product standards at kung may Import Commodity Clearance o ICC sticker at PS mark.
Kailangan din na tignan ang kalidad ng produkto at huwag lamang magbase sa mababang presyo nito dahil mayroon aniyang mga murang paninda ngunit mababa rin ang kalidad nito.
Sa pagkain, tignan aniya kung ligtas pa ito, tingnan ang expiration date at iwasan na rin bumili ng mga produktong malapit nang masira o mag-expire.
Sakali rin na makabili ng produkto na magkaiba ang presyo ng nasa price tag sa presyo na babayaran sa cashier ay karapatan aniya ng mamimili na ireklamo ito at kinakailangang ibigay ng kahera ang pinakamababang presyo ng nakuhang produkto.
Nagpaalala rin ang provincial Director sa mga nagbebenta ng mga naka bundle na produkto na huwag maglagay ng mga malapit nang mag-expire upang hindi rin malagay sa kapahamakan ang mga mamimili.
Maging ang mga business stablishments sa Lalawigan ay pinapaalalahanan ng nasabing ahensya na sumunod pa rin sa ipinatutupad na health and safety protocols habang nag-ooperate ang negosyo.
Samantala, bago pa man dumating ang unang araw ng taong 2021 ay nakapagsagawa na ng Price and supply monitoring ang mga kasapi ng DTI sa probinsya upang matiyak na ligtas ang mga mabibi ng mga consumer.