Cauayan City, Isabela- Ibinahagi ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla na epektibo ang ginagawang hakbang ng pamahalaang panlalawigan para mapababa ang bilang ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Governor Padilla, unti-unti aniya na may nakikitang pagbabago sa bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsya matapos ipatupad ang ilan sa kanilang mga napagkasunduang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus.
Matatandaan na umaabot sa mahigit 40 ang naitatalang new confirmed cases ng Nueva Vizcaya sa kada araw subalit nang iimplimenta ang mga binuong hakbang ay bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo na nasa 20 pababa na lamang.
Kanyang ibinahagi na ang kanilang pag-iistrikto sa mga pumapasok sa bayan ng Solano gaya ng pag-ban sa mga magtutungo sa nasabing bayan at mahigpit na pagbabantay sa mga quarantine checkpoints.
Ito’y dahil na rin sa hindi pagrecommend ng pamahalaang lokal sa pag home-quarantine ng mga COVID-19 positive patients sa probinsya.
Nakatulong rin aniya ang pagsailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa buong bayan ng Solano na magtatapos hanggang sa September 30, 2020.
Dagdag pa ng Gobernador, kung magpapatuloy ang pagbaba ng maitatalang kaso ng COVID-19 ay posibleng magbabago ang quarantine status ng bayan ng Solano.
Batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) Region 2 as of September 23, 2020, nasa 499 na ang total confirmed cases ng Nueva Vizcaya, 270 ang aktibo, 224 ang gumaling at 15 ang namatay.