Mga health center sa Maynila, maaari nang magsagawa ng mga lab test

Maaari nang magsagawa ng mga labaoratory test ang mga health center sa lungsod ng Maynila.

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan kung saan ang lahat ng 44 na health centers mula sa District 1 hanggang District 6 ay mayroon ng laboratoryo para sumuri sa dugo, ihi at tissue ng pasyente ng libre.

Pero depende ito sa oras na irekomenda ng doktor na sumuri sa kanila sa pinuntahang health center.


Nabatid na nais ng alkalde na mapalakas ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan kaya’t pinalagyan niya ang lahat ng mga health center sa lungsod ng laboratoryo.

Ang pagsusuri naman sa dugo ng isang pasyente ayon sa National Cancer Institute ay isang paraan upang makuha ang impormasyon kung maayos o hindi pa ang bato, atay at iba pang body organs ng pasyente.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga nagnanais na magpa-laboratory test na kumonsulta muna sa doktor na nakatalaga sa health center na malapit sa kanilang lugar dahil ang mga ito ang magpapasya kung kinakailangan nila ang magpa-blood at urine test at ano ang mga dapat suriin sa dugo base na panganib na banta sa kanilang kalusugan.

Dagdag pa ni Mayor Honey, magsisimula ang setbisyo ng alas-8:00 ng umaga at ang resulta ay doon na rin makukuha sa health center.

Tiniyak naman ng alkalde na marami pang mga pagbabagong magaganap sa 44 na mga health center sa lungsod na unti-unti ng nangyayari kung saan layunin nito na mapalawak ng husto ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaang lungsod.

Facebook Comments