Dismayado ang ilang health workers mula sa Philippine General Hospital (PGH) matapos umano’y magbago ang plano sa pagbabakuna.
Ito ay matapos sabihin ni Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. na Pfizer dapat ang unang darating na bakuna sa bansa pero kamakailan lang ay kinumpirmang bakuna ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac ang unang maide-deliver sa bansa.
Ayon sa ALL UP Workers Union at ibang lumahok sa protesta, dapat ibigay ng gobyerno sa health workers ang pinakamabisang bakuna laban sa COVID-19.
Ilang health workers naman ang kumukuwestiyon sa kaligtasan ng Sinovac para sa health workers.
Ayon sa mga taga-PGH, matapos ang isang taong sakripisyo at pakikipaglaban sa COVID-19, nararapat lang sa kanila ang pinakadekalibreng bakuna.
Sa Linggo, nakatakdang lumapag ang unang shipment ng Sinovac vaccines sa bansa pero wala pang listahan kung sino ang matuturukan ng naturang mga bakuna.