Mga healthcare worker, hinimok ni DOH Sec. Duque na huwag mag-alinlangang magpaturok gamit ang Sinovac; Duque, hindi muna babakunahan

Hinimok ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga healthcare worker na huwag mag-alinlangang magpabakuna gamit ang Sinovac vaccine.

Sa kanyang pangunguna sa pagsisimula ng vaccination program sa Lung Center of the Philippines, sinabi ni Duque na ligtas gamitin ang mga bakuna dahil dumaan ito sa mahigpit na pagsusuri.

Kasabay nito, pinasalamat ng kalihim si Pangulong Rodrigo Duterte na siyang kumatawan sa pagtanggap ng 600,000 doses ng Sinovac vaccines.


Ipinagmalaki pa nito ang mismong pagpapadala ng gobyerno ng China ng mga cargo plane para maihatid ang mga bakuna sa Pilipinas, bagay na hindi ginawa ng Tsina sa 53 iba pang mga bansang binigyan nito ng COVID-19 vaccines.

“Sila po ang naghatid nito sa’tin. Kaya para sa akin po, maliban po sa magandang loob na ipinakita ng gobyerno at bansang China ay talaga naman pong ang kanilang bakuna ay dumaan sa masusing pagsusuri na ito po, ginamit ang pinakamataas na pamantayan or standards of safety, first of all, efficacy and quality. So huwag po tayong mag-alinlangan. Itong bakunang ito ay 100% safe in preventing severe COVID infection,” ani Duque.

Samantala, hindi muna babakunahan si Duque taliwas sa napabalitang kabilang siya sa unang tuturukan ng Sinovac sa Lung Center of the Philippines ngayong araw.

Paliwanag ng Department of Health (DOH), hindi kasama ang mga 60 taong gulang pataas sa mga inirerekomendang maturukan ng Sinovac base na rin sa Emergency Use Authorization (EUA) nito.

Si Duque ay 64-taong gulang ngayon.

Samantala, ilang miyembro rin ng gabinete ng pamahalaan ang hindi pinagbigyan ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) na maunang mabakunahan ng Sinovac vaccine.

Facebook Comments