Hinimok ng Palasyo ng Malacañang ang mga hindi pa nagpapabakuna kontra COVID-19 na makiisa sa tatlong araw na “Bayanihan, Bakunahan” program sa November 29 hanggang December 1.
Ayon kay acting Presidential Spokesman Cabinet Secretary Karlo Nograles, layon nitong pataasin ang vaccination rate ng bansa laban sa COVID-19.
Aniya, mabibigyan ng pagbabakuna ng proteksyon ang tatanggap nito gayundin ang kaniyang pamilya.
Pinasalamatan din ng Palasyo ang mga frontliner na kasama sa three-day nationwide vaccination program.
Kasabay nito, sinabi ni Nograles na inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng government agencies na palawakin ang kanilang suporta sa “Bayanihan, Bakunahan” program.
Ang “Bayanihan, Bakunahan” program ay target na makapagbakuna ng 15 milyong Pilipino mula sa 16 rehiyon sa labas ng Metro Manila.