Naglaan ang Department of Agriculture sa Ilocos Region (DA-1) ng PHP44.3 milyon bilang indemnification para sa mga hog raisers na apektado ng African Swine Fever (ASF).
Makakatanggap ng PHP4,000 para sa mga biik, PHP8,000 para sa mga growers at fatteners, at PHP12,000 para sa breeders, at ang bawat hog grower ay maaaring mag-claim para sa hanggang 20 baboy.
Kinumpirma ni Dr. Alfredo Banaag, regulatory division chief ng DA-1, na ang unang batch ng 63 hog raisers mula sa La Union ay makakatanggap ng halos PHP4 milyon para sa 597 sa mga baboy na dumaan sa culling operation.
Samantalang PHP40.3 milyon ang nakalaan para sa pangalawang batch ng mga apektadong hog raisers mula sa La Union at Ilocos Sur.
Tiniyak ni Dr. Banaag na ang natitirang bayad ay inaasahang matatanggap bago magtapos ang kalagitnaan ng taon.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga biosecurity protocols upang maiwasan ang pagkalat ng ASF at hinimok ang mga hog raisers na huwag bumili ng baboy mula sa mga red zones o mga ilegal na pinagkukunan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang mga isinasagawang hakbang ng mga lokal na Pamahalaan sa rehiyon upang makatulong sa pagkontrol ng virus. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨








