
Para sa House Prosecution Panel, seryosong alegasyon ang mga isiniwalat ni dating Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV laban kay Vice President Sara Duterte at ilang miyembro ng kanyang pamilya.
Giit ni House Prosecution Adviser at Spokesperson Ace Barbers, hindi ito dapat isantabi at sa halip ay kailangan itong busisiin.
Mensahe ito ni Barbers, makaraang ilahad ni Trillanes ang multi-milyong pisong halaga ng salapi na pumasok sa bank accounts at mga kompanya ni VP Sara at ilang miyembro ng pamilya Duterte.
Sabi ni Trillanes, bahagi nito ay mula sa negosyante si Sammy Uy gayundin ang mahigit P319 million na mula umano sa Chinese government and China-based corporations.
Sabi ni Barbers, lumalabas na wala ito sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN ni VP Sara na syang nakapaloob sa ikalawang article of impeachment patungkol sa unexplained wealth.
Pinaalala din ni Barbers na karamihan sa mga isiniwalat ni Trillanes ay pinatotohanan na ng kaukulang official government records tulad ng Anti-Money Laundering Council.
