Task Force El Niño, pinaglalatag ng kongkretong plano laban sa Super El Niño

Pinaglalatag ni Senator Erwin Tulfo ang El Niño Task Force ng administrasyon ng plano laban sa matinding banta ng “Super El Niño”.

Binigyang-diin ni Tulfo na ang matinding tagtuyot, pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin, at pagkalugi ng kabuhayan ay maiiwasan sa pamamagitan ng maagang pagpaplano at paglalaan ng sapat na pondo.

Iginiit ni Sen. Erwin na wala nang dapat aksayahin na oras at kailangang kumilos na para mabawasan o maibsan ang posibleng malaking pinsala.

Sinabi ng senador na ang isang task force ay dapat higit pa sa pagiging isang coordinating body at dapat magkaroon ito ng malinaw na plano, responsibilidad at sapat na pondo para makakilos bago pa man lumpuhin ng krisis ang mga komunidad.

Isinangguni na rin ni Tulfo ang isyu sa Reinvigorate Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) Ad Hoc Committee ng Senado na binuo para tugunan ang pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas.

Nilinaw ni Tulfo na hindi siya nananakot kundi tinitiyak lamang niya na may malinaw na gabay at plano para maging handa ang bawat Pilipino sa anumang pinakamalalang sitwasyon.

Facebook Comments