*Cauayan City, Isabela- *Matagumpay na idinaos ang dalawang araw na Ilagan Blood Depository System o I-BlooDS letting Activity matapos makiisa at tumugon ang mga Ilagueño sa panawagan ng Local Government Unit o LGU Ilagan City, Isabela.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, ang Information Officer ng City of Ilagan, umabot sa 251 bags ng dugo ang nalikom sa unang araw habang mayroon namang 353 bags ng dugo sa huling araw at may kabuuang 604 bags ng dugo ang nalikom mula sa mga successful blood donors.
Ang naturang I-BlooDS na may temang “Give the Gift of Life, Donate Blood!, Be a Hero!.” ay dati ng programa ni Mayor Jay Diaz simula noong 2014 na taunang isinasagawa sa pamamagitan ng city ordinance.
Layunin ng nasabing I-BLooDS letting ay upang matugunan ang pangangailangan sa dugo ng mga pasyenteng Ilaguenos lalo na sa mga may sakit na dengue, sa panganganak at disgrasya.
Nagpasalamat naman si Mayor Diaz sa lahat ng mga nakiisa at nagdonate na mga Ilaguenos na kanyang itinuturing na mga bayani dahil marami nanaman anya ang matutulungan at maisasalbang buhay ng tao.