*San Mariano, Isabela- *Tinatayang nasa 800 boardfeet na kahoy ang narekober ng mga otoridad sa magkahiwalay na bayan sa Lalawigan ng Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, bandang alas sais kaninang umaga nang makatanggap ng impormasyon ang himpilan ng PNP San Mariano hinggil sa mga nakitang kahoy na inilubog sa ilog sa Brgy. Bitabian, San Mariano, Isabela.
Sa pagresponde ng mga otoridad ay narekober ang tinatayang nasa mahigit kumulang 600bft na kahoy.
Dinala na ito sa himpilan ng San Mariano Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Samantala, narekober din kahapon ng pinagsanib na pwersa ng PNP San Guillermo, 205th RMFB 2 at 2nd IPMFC ang higit kumulang 200bft na Narra flitches sa Brgy. Dipacamo, San Guillermo, Isabela.
Ito’y matapos ipaalam ng isang concerned citizen sa tanggapan ng PNP San Guillermo ang nakitang mga inabandonang kahoy sa nabanggit na lugar.
Ang narekober na Narra ay nakatakdang ipasakamay sa tanggapan ng DENR Centro Cauayan City, Isabela para sa kaukulang disposisyon.