Hiniling ni Committee on Public Works Chairman Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na magpadala ng mga tauhan sa mga lugar na tinamaan ng malakas na lindol kahapon.
Ayon kay Revilla, ito ay para suriing mabuti ang katatagan ng mga imprastraktura matapos ang lindol para matiyak na ligtas pa rin ito para sa mamamayan.
Sabi ni Revilla, pangunahing dapat suriin ng DPWH ang mga istraktura sa Abra, Cordillera Administrative Region at iba pang lalawigan sa Norte na kasamang niyanig ng 7.3 magnitude na lindol.
Tinukoy ni Revilla ang reports na napinsala ng lindol ang mga linya ng kuryente, mga tulay, bahay, gusali kasama na ang ilang paaralan at ospital.
Diin ni Revilla, dapat walang sayangin na oras ang DPWH sa pag-iinspeksyon sa mga istraktura upang matiyak na hindi magdudulot ang mga ito ng anumang sakuna na maaring ikapahamak ng publiko.