Ngayong papalapit na ang 2022 national elections bumubuo na rin ang Philippine National Police (PNP) ng mga mekanismo para agad mapigilan ang vote buying gamit ang online banking o kaya cash transfer mobile applications.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, nagsimula na syang makipag-usap sa mga concerned agency sa bagay na ito.
Aniya, dahil nakagawian na ng halos lahat ng mga Filipino ang cashless transactions lalo ngayong may pandemya posible aniya maging talamak din ang cashless vote buying.
Kaya naman maging sa Commission on Elections (COMELEC) ay nakipag-ugnayan na rin sila para sa mga mekanismo nang sa ganun malabanan ang vote buying via electronic money transfer services.
Aminado si Eleazar na napakahirap na imonitor ngayong panahon ang vote buying activities pero tiniyak nitong gagawin nila ang lahat para sa mapayapa at malinis na halalan.
Payo pa ni Eleazar sa publiko na maging matalino sa pagboto dahil aniya ang sinumang politikong bibili ng boto ay walang magandang hangarin para sa bayan dahil panay pansariling interes lamang ang kanilang pangangalagaan.