Magsisilbing “big brothers at big sisters” ng lokal na pamahalaan ang mga gabinete na itinalaga sa mga siyudad at karatig lalawigan.
Matatandaang sa inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF) Resolution No.62 kahapon inilagay ang mga cabinet members sa Metro Manila cities at 4 na lalawigan na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 at nananatiling nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status.
Paliwanag ni COVID-19 National Task Force (NTF) Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, sang-ayon sa 2nd phase ng national action plan malaki ang naka- atang na responsibilidad sa mga lokal na opisyal sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine protocols at localized lockdown sa kanilang mga nasasakupan kung kaya’t itinalaga na kanilang makakatuwang ang mga miyembro ng gabinete.
Lahat ng 16 na siyudad at isang munisipalidad sa Metro Manila, gayundin sa Cavite, Laguna, Bulacan at Rizal ay may national government counterpart.
Layunin aniya nito na maging maayos ang hakbang na gagawin ng pamahalaan at agad na maaksyunan ang mga problema ng mga local government.
Giit pa ni Galvez, kung saan nakatoka ang isang gabinete ay doon din ito nakatira kung kaya’t ano man ang kakulangan sa isang LGU sa pagtugon sa COVID-19 ay agad din itong maaaksyunan.