Naniniwala ang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na dapat ituring na nuisance candidate o panggulo lamang ang mga itinuturing na ‘placeholder’ candidates.
Ang placeholder candidates ay mga kandidato na naghain lamang ng kaniyang certificate of candidacy (COC) upang hintayin na mapalitan ng isang indibidwal.
Ayon kay Macalintal, kung hindi naman talaga intensyon ng isang kandidato na pamunuan ang posisyon na tatakbuhin bagkus ay magsisilbi lamang na placeholder candidate para mapalitan ng mas malakas na kandidato ay dapat ituring na lamang itong nuisance candidate.
Kapag itinuring kasing nuisance candidate ang isang kandidato ay hindi ito kwalipikado upang maghain ng substitution na siyang isang istratehiya na laging ginagamit ng mga partido.
Dagdag pa ni Macalintal, dapat gamitin ng Commision on Elections (COMELEC) ang kanilang kapangyarihan na ituring na nuisance candidate ang isang indibidwal kapag napatunayang placeholder candidate lamang.
Matatandaang binibigyan ng pagkakataon ang mga kandidato na mag-withdraw at maaaring palitan ng kapartido hanggang Nobyembre 15.