Mga Kalansay ng NPA na Narekober sa Baggao, Cagayan, Natukoy na

Cauayan City, Isabela- Nakilala na ng kasundaluhan ang katauhan ng mga narekober na kalansay ng dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nahukay sa KM 16, Brgy Sta. Margarita, Baggao, Cagayan noong September 14, 2020.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Army Major Noriel Tayaban, pinuno ng Divisions Public Affairs Office (DPAO) ng 5th ID, Philippine Army, kanyang sinabi na kinilala mismo ng mga naunang rebeldeng sumuko sa pamahalaan ang mga narekober na kalansay na kinilalang sina Ka Albay na residente ng Baggao, Cagayan at Ka Agta mula sa Zinundungan Valley na parehong kasapi ng Northern Front Committee ng Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (KR-CV).

Ayon sa mga kumilala, ang dalawa ay namatay sa naganap na engkuwentro ng kapulisan at NPA noong taong 2016.


Iginiit ni Maj Tayaban na maikokonsidera itong pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao sa kanilang kasamahan dahil sa hindi pinapahalagahan ang buhay ng bawat miyembro ng kilusan.

Maging babala sana aniya ito sa lahat ng mga magulang na bantayan ang mga anak upang hindi malinlang at magaya sa inabot ng mga NPA na napatay sa engkuwentro.

Hanggang ngayon ay hinihintay na lamang ang mga kapamilya na kukuha sa mga kalansay ng dalawang NPA.

Ang pagkakadiskubre sa mga buto ng mga nasawing rebelde ay dahil sa pagbibigay impormasyon ng mga concerned citizen sa mga pulis at sundalo na nagbabantay sa lugar.

Facebook Comments