Gagamitin ng PNP ang kanilang buong pwersa laban sa mga kandidato na magbabayad ng permit to campaign fee o permit to win demand ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ang babala ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Guillermo Eleazar sa huling araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) at Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) para sa mga lalahok sa 2022 national and local elections.
Pakiusap ng PNP chief sa mga kandidato, huwag makipagtransaksyon sa mga kriminal at terorista para lang manalo sa eleksyon.
Aniya, ang mga kandidatong gagawa nito ay nagpapakita lang ng kanilang desperasyon at hindi karapat dapat manalo.
Sinabi pa ni Eleazar na mahaharap ang mga politiko o sibilyan na magbibigay ng pera sa CPP-NPA sa paglabag sa Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012.