Inabutan ng food packs ang dalawamput limang pamilya sa Sitio Magamut, brgy San Vicente, San Pablo, Isabela.
Bukod sa iniabot na family food packs, nagsagawa rin ng lecture ang kasundaluhan ng 95th IB tungkol sa karahasan na dulot ng mga CPP-NPA lalo na’t kabilang ang mga agta sa mga target na hinihikayat ng makakaliwang grupo.
Kaugnay nito, ibinahagi naman ng dalawang sundalo na Katutubong Agta na dating miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kanilang naging karanasan noong sila ay nasa loob pa ng kilusan.
Ayon kina Pvt Baby Jane Morales alyas Ka Ever o Barbie at Pvt Berto Flores alyas Rusi, saksi aniya sila sa hirap na pinagdadaanan ng bawat miyembro ng teroristang NPA tulad ng sobrang pagod, gutom, sakit at takot na tinatamasa ng bawat miyembro.
Nag-udyok naman ito sa kanila na magbalik-loob na lamang sa pamahalaan hanggang sa nabigyan na ng halaga ang kanilang buhay na mamuhay ng normal at payapa kasama ang kanilang pamilya.
Nakikiusap naman sa mga kapwa katutubong agta sina Pvt Morales at Flores, na huwag magpagamit sa NPA dahil sila umano ang sumisira sa kinabukasan ng mga Agta.
Samantala, ikinatuwa naman ng mga katutubo ang kanilang natanggap na tulong mula sa hanay ng gobyerno ganundin ang pagpapaalala sa kanila ng mga sundalo.
Nagpapasalamat naman ang buong hanay ng kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion sa pamumuno ni LTC Carlos B Sangdaan Jr, sa pakikipagtulungan at suporta ng mga katutubong Agta sa nasabing komunidad sa pagsugpo ng insurhensiya sa bansa.