Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Jong Gapasin Jr, nagpapatuloy pa rin aniya ang loom weaving sa Lungsod na pinangungunahan ng mga kabataang Kankanaey sa brgy. Rogus mula nang mailunsad ito sa tulong ng Youth Entrepreneurship Program o YEP ng DTI Isabela.
Ayon kay Gapasin, nauna nang sumailalim sa loom weaving training at aktwal na paghahabi ang mga katutubong kabataan subalit pansamantala itong natigil mula nang magkaroon ng face to face classes.
Para magtuloy-tuloy ang paghahabi sa lungsod, isasailalim na rin sa pagsasanay ang mga solo parent na walang trabaho para matulungan din ang mga ito sa pagtataguyod ng kanilang pamilya at ng hindi rin maparalisado ang naumpisahang loom weaving project sa lungsod.
Kaugnay nito, wala ng magiging problema sa pasilidad ng IP sector dahil nakabili na ang LGU Cauayan ng dalawang weaving facility at nangako naman ang DTI Isabela na magbibigay ito ng walong makina para sa mas maganda at dekalidad na loom weaved products.
Sa ngayon, hinihintay na lamang ang abiso ng DTI Isabela para sa ikalawang batch ng training dahil kasalukuyan pa itong pinaplano.
Ayon pa kay SP Gapasin, maganda aniya ang impak nito sa komunidad lalo na sa mga Katutubong kabataan dahil maipagpapatuloy ang kultura at kaalaman sa paghahabi at malaking tulong din ito sa pantustos ng kanilang pangangailangan at ng hindi sila mapariwara.