Mga kawani ng gobyernong nasa retirement age na, maaari pa rin ma-extend ang kanilang trabaho – CSC

Maaari pa rin magtrabaho ang mga empleyado ng gobyernong umabot na sa retirement age na 65 basta’t kaya nito at nasa maayos na kondisyon.

Sa pahayag ng Civil Service Commission (CSC), nakasaad sa CSC Resolution No. 2000002 na may petsang January 3, 2020 pero nitong October 2, 2020 lang nalathala ang mga kinakailangang kondisyon para mapagbigyan ang kahilingang manatili sa trabaho ang isang empleyado ng gobyerno.

Kabilang sa mga kondisyon ay ang pangangailangang makumpleto ang isang programa o proyektong prayoridad ng ahensya; pagtatalaga sa serbisyo na may impact sa national security, safety at national at local emergency kasama na rin ang pagkakaroon ng highly technical expertise na wala ang isang ahensya.


Base pa sa guidelines, papayagan ang extension of service sa loob ng anim na buwan at posibleng palawigin ng karagdagang anim na buwan depende sa meritorious circumstances.

Ayon pa sa CSC, dalawang taon lang ang pinapayagang maximum extension of service makaraang makumpleto ang 15 taong serbisyo sa gobyerno batay sa Government Service Insurance System Law.

Sa ilalim pa ng naturang guidelines, ang isang opisyal o empleyadong nasa service extension ay makatatanggap din ng sweldo, allowance at iba pang karagdagang bayad na normal na ibinibigay bilang bahagi ng compensation package ng isang empleyado ng gobyerno.

Facebook Comments